Miyerkules, Agosto 2, 2017

Vegetarian

     Pawisan siyang pumasok sa faculty room.  Nabungaran niya ang mga kapwa gurong kumakain ng pananghalian.  Ang iba ay halos mamuwalan na sa sunud-sunod na subo ng kanin na may nagmamantikang sabaw ng karneng ulam.  Nang-aakit ang lapot ng namumulang sarsa ng kalderetang baka at menudo.  Nakakapaglaway ang malutong na balat ng lechong kawali at piniritong hita ng manok.

     "Sir, kain po tayo..." nag-aanyaya ang tinig.

     "Naku, salamat... bisyo lang 'yan!" Ang nagbibiro niyang tugon.

     Bumilis ang kanyang hakbang patungo sa kanyang lugar.  Umupo siya habang binubulatlat ang supot ng pagkaing ibinalot ng kanyang asawa.  Piniritong saging na saba at nilagang kamoteng kahoy; sapat na upang mairaos ang pananghalian.  Maayos niyang inihain ang payak na pagkain.  At bago lantakan ay umusal siya ng mataimtim na dasal.  Inialay ang simpleng biyaya sa Dakilang Maykapal.

     Dinampot niya ang isang bahagi ng nilagang kamoteng kahoy.  Nakapikit siya na kinagat ang naturang pagkain.  Dumaiti sa dila ang linamnam ng lasa.  At bago tuluyang ngumuya; batid niyang ang pinakamasarap sa panlasa ay ang pagkaing natitikman ng kaluluwa.


Ang Epidemya

Mas maaga akong nagising kaysa sa karaniwan.   Ngayon ay nasa ikalawang araw na ng pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) da...