Miyerkules, Mayo 25, 2011

Balitaktakan sa Rm. 41


"Eto ang beat, sabay-sabay
eto ang beat, bawal sablay
pabilis nang pabilis
'wag magmi-miss
'wag magmi-miss
get's mo na
get's mo na
aaahhh
coca-cola

nalilito, nalilito
nahihilo, nahihilo
coke ko 'to
coke ko 'to
coke ko 'to
coke ko 'to"

     Hindi ito nursery rhyme na itinuturo sa mga nursery school.  Bagaman parang nursery rhyme, mas maririnig mo itong kinakanta ng mga kabataang nasa hustong edad na.  Kasabay sa pagpalo at paghataw ng mga kamay sa mesa at ang pagsalikop at pagbukas ng palad habang sumusunod sa pabilis na pabilis na rhythm ng kanta; iniiwasan ng mga kalahok na magkamali.  Dahil kung nagkataon hindi mapapasakanya ang nagyeyelong pamatid-uhaw na iniindorso sa kanta.

     Makikita sa commercial ang dalawang kolehiyalang inaawit ang kanta kasabay ng mga aksyong isinunod sa beat ng awitin.  Sa kabuuan, iniiwasan ng dalawa na magkamali para mapasakanya ang namamawis sa lamig na softdrinks na tinutukoy sa patalastas.  Ito'y simpleng laro o sabihin pang kompetisyon ng focus at konsentrasyon.  Ang excitement ng kompetisyon ay nasa execution ng pagkanta kasabay ng mga kilos na umaayon sa beat ng awitin.  Pabilis nang pabilis ang rhythm ng kanta nang bumibilis ding aksyon sa kanta.

     Makapigil hininga ang laro.  Nagsusukatan ang kalahok ng tikas kung sino ang perpektong makabubuo ng awitin na hindi nagkakamali.  Nag-uumigting ang kanilang pagnanasa na manalo.  At ang premyo:  ang softdrinks na iniindorso!  Sinuman ang manalo; wala nang sasarap pa na lagukin ang softdrinks na napagwagian sa simpleng laro lamang.  At sa mga minalas; "Ulitin natin please...!"  Meron pang pagkakataon para makabawi.

     Mahusay ang atake ng commercial na ito.  Nangungunyapit sa utak ng mga nakakapanood ang pagkagiliw sa "larong" ibinabandera ang produkto (softdrinks) at sa produktong premyo sa "laro".  At dahil mahusay ang konsepto, nagkaroon ito ng sequel.  Bagaman halos parehas lamang sa nauna, nag-iba na ang mga karakter:

     "Dalawang madreng magkaharap na nakaupo sa mesa.  Parating ang ikatlo na may hawak ng produkto (softdrinks).  Sa bilugang pangangatawan nito maiisip mong siya ang madre superyora.  Umupo ito sa pagitan ng dalawang madreng paharap sa mesa.  Ipinatong ang softdrinks. Nagkatinginan.  Nangusap ang mga mata.  Kasabay sa pagpalo sa mesa bilang hudyat... nagsimula na ang seremonyas.  Si madre superyora ay awtomatikong sumabay, sumunod sa kilos at kanta.  At hindi pa man natatapos ang kabuuan ng "laro" si mother superior, sa kanyang kakatuwang inasal ay agad-agarang kinuha ang softdrinks.  At ang kabuuan ng eksena ay tinapos nang malulutong na halakhakan."

     Makapangyarihan ang telebisyon sa paglalatag ng mga paninda sa kamalayan ng mga konsumer.  Ang pag-iindorso ng produkto sa pamamagitan ng telebisyon ay isang mabisang paraan upang mailapit sa mga mamimili ang kahusayan ng isang produkto.

     Kanya-kanyang pakulo ang mga commercial.  Kanya-kanyang gimik at style.  Iba-iba ang tema, iba-iba ang konsepto.  Mas bago ang konsepto, mas madaling matatandaan ng tao ang produkto.

     Sa husay ng commercial, nagiging madali sa mga kapitalista na ibaling ang kamalayan ng mga mamimili sa kalakal; produkto man ito o serbisyo.  Higit pang pinatatag ng orkestradong galaw ng mangangapital at mass media ang produkto sa utak ng konsumer sa pamamagitan ng pagbabandera ng magandang imahe ng indorser sa produkto.

     Kailangang umayon ang kalidad ng produkto sa image ng indorser o sabihin pang dapat ayunan ng indorser at ng kanyang image ang produkto na ipinapakilala.  Ang maamong mukha ng artista, ang makikinis na kutis, ang mahabang buhok, ang mapuputing ngipin, ang malulusog na dibdib, ang maskuladong katawan at ang walang amoy at mukhang mabangong kilikili ang siyang pinagtitiyap-tiyap sa harap ng kamera upang ipakita sa mga manonood ang kalidad ng produkto.

     Mula sa pinakamalalaki hanggang sa pinakamaliliit na kalakal:  toothpaste, toothbrush, shampoo, conditioner, panlinis ng mukha, pang-ahit ng balbas at bigote, deodorant, make-up, tsinelas, sapatos, medyas, brief, panty, panapal sa panty, diaper, pantalon, damit, mga gamot (gamot sa sipon, ubo, buni, hadhad at eksema), mga bitamina (dahil sa panahon ngayo'y bawal ang magkasakit), tinapay, palaman sa tinapay, sabon (sabong mabango at sabong panlaba), pamatay-insekto at kulisap, alak, modelo ng alak, kotse, bahay, pintura ng bahay, appliances, tinidor, kutsara, plato at platito, plastik, timbang plastik, tubig, pagkain, softdrinks, karne, karne norte, karne ng manok, patuka sa manok, pansit, pansit canton, mami, instant mami, noodles, instant noodles, (mamili ka kung anong flavor; chili, chili mansi, beef or chicken); lahat nang ito ay mga samu't saring produktong inilatag ng commercial sa kamalayan ng mga mamimili.

     Ang commercial; sa tulong ng telebisyon ay magagawang i-programa ang utak ng mga konsumer bilang tagakunsumo at taga-ubos.

      Lilikha nang lilikha ang isip, gagawa nang gagawa ang tao.  Sa sistemang kapitalismo at komersyalismo iigting ang relasyon ng tao sa produkto.  At dahil ang mundo'y mistulang palengke ng kalakal at serbisyo; mabibili ang lahat... lahat ay may karampatang halaga... ultimo ang pagpapakatao ng tao sa kapwa tao.

Lunes, Mayo 23, 2011

Yantok


Nagising ang diwa ko sa malakas na ingay ng pang-umagang balita buhat sa radyo.  Pasado a la siyete na.  Mabigat ang aking katawan.  Nanlalata ang aking pakiramdam.  May kung anong nagpapamanhid sa kalamnan.  Mula sa pagkakahiga ay pinilit kong tumayo.  Pumisig ang kirot.  Sinalat ng palad ang umbok ng kalamnang naiwang mga latay sa puwitan.  Pinakiramdaman ko ang mga iyon.  Malalaki at mapupula ang mga latay; nagmapa sa balat, nanuot sa kalamnan, tumimo sa isipan.

Paika-ika akong tumayo.  Tinalunton ang daanang palabas ng kuwarto.  Nabungara ko si itay na humihigop ng kape.  Umiwas akong mapako ang tingin sa kanya ngunit hindi maiwasang makatakas sa kanyang mga mata.

“Gising na pala ang bunso ko.”  Napaigtad si itay habang binababa ang tasa ng kape.

“Ano bunso, uulit ka pa ba?”

Nakangiting may himig pagbibiro ang kanyang tanong.  Napayuko akong umiwas na magtama ang aming paningin.  Dali-dali kong tinungo ang kasilyas.  Ibinuhos ang tawag ng panunubig.

“Kain na anak.”  Boses ni inay.  Nang-aamo ang tinig.  Pinaupo ako ni inay sa harap ng mesa saka ipinaghain ng almusal.  Hinagod-hagod pa ang aking likuran habang sumusubo sa inihaing agahan.

“Nagtatampo ka pa ba sa tatay?” 

Malumanay ang tinig.  Marahan kong ibinaling ang ulo sa harapan.  Malamlam ang mukha ni itay na nagtatanong sa akin.  Malalim ang pag-uusisa ng mga matang tinatantiya ang damdamin ng anak.

“Anong gusto mong pasalubong?’

Wala akong isinagot.  Ang damdamin ay batbat ng katahimikan.  Ibinaling ko na lamang ang atensyon sa pagsubo sa nakahaing almusal.

“O, sige na nga, ako na lamang ang bahala.”   Ang pagbawing tugon ni itay sa walang napalang sagot buhat sa anak.

Tumayo sa pagkakaupo si itay.

“Ester, aalis na ako, bahala ka na sa bahay. ‘Wag mong pababayaan ang mga bata.”

Muling ibinaling ni itay ang tingin sa akin.

“O, anak aalis na ako ha?  Siyanga pala, pwede bang makiusap sa iyo?”

Nanlaki ang mata sa aking narinig.  Sino akong anak lamang ay pakiusapan ng amang itinuring na panginoon sa aming tahanan?

Nagpatuloy si itay.  “Makikiusap sana ako na kung p’wede ay ‘wag ka nang iihi sa salawal?!”

Bigla ang pagbaling ng tingin ko kay itay.  May panunukso ang matang nakatingin sa akin.  Nanunudyo ang ngiti.  Nanunukso ang pagngisi.  Hinalikan niya ako sa noo.  Muli siyang tumingin sa akin.  Hinaplos ng palad ang ulunan.  Ginusot ang aking buhok kasabay ng isang mahina ngunit mariing tagubilin…

“Magpapakabait ka na ha?”

Wala akong itinugon, maliban sa yumuko at narinig ko na lamang ang papahinang yabag ni itay papalayo.



Hindi ako naging mabuting anak; ngunit alam kong iyon ang una at huling pamamalo sa akin ni itay.  Pero hindi ko rin maitatanggi na ako lamang sa magkakapatid ang tanging nakaranas ng pamamalo buhat sa kanya.  May katigasan talaga ang aking ulo ngunit natuto ako sa karanasang iyon.  Ang umbok ng kalamnang naiwan ng latay ay tumatak sa isip, kasabay ng pangako na ito’y hindi na mauulit pa.

Sa murang pang-unawa, nakatatak dito na totoong malambing at mapagkalingang tao si itay ngunit sa nagdaang gabi nakita ko sa kanya ang mala-berdugong kaanyuan na nagpalasap ng karampatang parusa sa tulad kong “tinamaan ng magaling.”

“Dapa!  Sabing dumapa ka eh!”  Sabay amba sa isang dipang yantok.  Kahit saan tamaan.

“’Wag po ‘tay… ‘wag po! Hindi na po mauulit.”

Bumulanghit ako ng pag-iyak.

“Aba’y lintik kang bata ka, hindi ka pa tinatamaan, umiiyak ka na!  Sige… marinig ko!”  Matigas ang kanyang tinig.

Ipinagsiksikan ko ang sarili sa sulok.  Pilit kong iniiwas ang murang katawan sa tama ng yantok.  Ang pagbulanghit ko ng pag-iyak ay napalitan ng paghikbi at pagnguyngoy.

“Dumapa ka!”  Pasigaw.

Alumpihit akong tumalima sa matigas na utos ni itay ngunit may pag-iingat sa nakaambang pamalo na dadapo sa katawan.

“Lintik kang bata ka, wala ka nang iginalang!  Sige… humingi ka ng tawad sa nanay mo!  Dali!”

Sa tinuran ni itay ay inabot ako ng matinding kahihiyan; sa aking sarili, sa aking mga magulang.  Walang akong lakas ng loob na humingi ng patawad.  Patda ang aking isip, blangko ang kamalayan, umid ang dila.  Hindi maapuhap ng malay ang tagpong iyon.  Sumusurot sa sulok ng aking diwa kung ano bang nagawang matinding kasalanan.  Gusto kong magtanong, gusto kong mangatwiran.

“Humingi ka ng tawad sa nanay mo!”  Nakasigaw.

“Ano, ayaw mo?  Matigas ka ha…”

Humugong pababa ang haplit ng yantok.  Dumaiti sa nakahantad na puwitan.  Napasigaw ako ng aray sa nakapamimilipit na hapdi na nararamdaman.  Waring napunit ng makunat na yantok ang aking balat.  Ang kaninang paghibik at pagnguyngoy ay napalitan nang malakas na palahaw.  Naghahalo na ang sipon at luha.  Hindi ko malaman kung saan ibabaling ang katawan sa pag-iwas sa susunod pang mga hakbang ng berdugong nagpataw ng sentensya.

“Iiyak ka? Marinig ko, marinig ko!”  Matigas ang boses.

“Sige, dumapa ka uli…dapa!”  Pasinghal ang utos.

Namimilipit man sa sakit, pinilit kong dumapa.  Sumusurot sa murang kalamnan ang init-hapding gumuguhit sa puwitan.  Patuloy pa rin ako sa pagngalngal.

“Hindi ka titigil?”  May pananakot.

“Sige, humingi ka ng tawad sa nanay mo, dali!”

Matigas ang kanyang tinig.  Nakaamba ang yantok na kahit anong sandali ay maaari na namang magpatungayaw sa napapagal ko ng katawan.  Sinulyapan ko si itay.  Nakita ko ang nakapanghihilakbot na itsura ng kanyang mukha.  Nagngangalit ang panga.  Nanlalaki ang mga mata.  Nakataas ang ugating bisig.  Hawak ang may isang dipang yantok, handang magpalasap ng kabilang mukha ng pagiging magulang.

Alam kong mabait ang tatay ko.  Sumayaw sa kamuwangan ang untol-untol na gunita ng kabutihan ni itay.  Humulagpos sa sumisikdo-sikdong dibdib ang mainit at maalab na pagmamahal ng ama.

Bagamat gabi na kung umuwi si itay galing sa pinapasukan; madalas akong maalimpungatan sa pagkakahimbing sa masuyong hagod ng kanyang kamay sa ulunan.  Pipilitin kong imulat ang talukap ng aking mata at sa may sinasapot na paningin, inaaninaw ko ang nakangiting anyo ni itay.  Hahagkan niya ako sa pisngi.  Nadarama ko ang mainit na dampi ng kanyang halik na lumulukob sa munting kaluluwa.  Minsan, magigising ako sa kalaliman ng gabi; mauulinigan ang hilik ni itay.  Dama ko ang nakadantay n’yang kamay sa aking pigi.  Nakaunan ang aking ulo sa kanyang matipunong bisig.  Sa bansot na kamalayan, lihim akong nangingiti.  Itutuloy ang naudlot na pagtulog, sabay hapay ng aking kamay sa matigas niyang dibdib.



Kung araw ng linggo at walang pasok; sama-sama kaming nagsisimba.  Sama-sama kaming namamasyal.  Sama-sama kaming kumakain sa labas.  Ang araw ng linggo ay para lamang sa pamilya kaya minamabuti ni itay na punan kahit sumandali ang kanyang munting pagkukulang.

Hindi siya nakakalimot ng mga oras at sandaling dapat ilaan lamang sa pamilya.  Hindi siya nakakalimot sa mga espesyal na araw lalo na kung sumasapit ang aming kaarawan.  Bawat isa sa amin ay may espesyal na regalo buhat sa kanya.  Kung araw ng sahod, hindi pumapalya si itay na magdala ng munting pasalubong.  Ang katuwaan naming magkakapatid sa pag-aagawan sa kanyang munting handog ang nagpapalis ng kanyang pagod sa maghapong pagtatrabaho.  Nariyan si itay upang sumubaybay.  Lagi siya sa aming tabi upang tugaygayan ang aming pag-aaral hindi lamang sa usaping pinansyal kundi sa mga panahong kailangan ng amang masasandalan…

“Ayos ba anak?  Ang ganda no?”

Sabay pakita na may pagmamalaki sa natapos na proyektong gagamitin ko sa klase.

“Oo nga ‘tay, ang ganda, ang galing!  Sigurado, mataas na greyd ang ibibigay ng titser ko d’yan.”

“Talagang mataas… mataas na greyd ang ibibigay ng titser mo sa tatay mo!”  Ang pabirong sabad ng aking ina.

“Eh bakit naman po?”

“Eh, pa’no naman, tatay mo naman talaga ang gumawa ng project mo, hindi ikaw!”

Sabay hagalpak ng tawa ni inay.  Mapapakamot ako.  Mangingiti si itay at ang buong kabahayan ay nagtampok nang ‘di maikukubling ligaya.

Naglagos sa gunita ang senaryong iyon.  Pumupunit pa rin sa muni ang init-hapding kirot ng isang dipang yantok na dumaiti sa aking puwitan.  Ang pagpalahaw ko ng iyak ay sinundan pa nang manaka-nakang hikbi at hibik.  Waring nagsusumamo, waring nagmamakaawa, naghahanap ng kalinga, naghahanap ng kakampi.




“Aba at talagang nanghahamon ka!  Gusto mo talagang masaktan!”

Gumuhit sa hangin ang pagsipol ng hagupit ng yantok.

“Aaraayy ko po!”

Sapu-sapo ng aking palad ang bahaging tinamaan.  Pumapalahaw. Suminga-singasing sa pag-iri.  Namamaluktot ako sa iniindang sakit.  Umaatungal na parang baboy na kinakatay.  Pakiramdam ko’y mas malakas ito kaysa sa una.  Nakapagpapadilim ng ulirat.  Humihilam na sa mata ang magkahalong uhog at luha.  At naulinigan ko…

“Matigas na ngayon ang bungo mo bata ka!  Gusto mo talagang masaktan, wala ka nang pinakikinggan! ‘Yan ba ang itinuturo naming sa’yo ng nanay mo?  Sumagot ka!”

Mariin ang pagkakabigkas habang nakaantabay ang makunat na yantok na handa na namang iwasiwas.

Pinilit kong sagutin ang tanong ni itay.  Kahit sumisikdo ang dibdib, kahit namimilipit sa sakit, kahit sinisinok sa walang tigil na paghikbi sa nanunuyong lalamunan.

“Hin… hindi… hindi na po… hik!”  Suminok.

“Anong hindi?!”  Isa muling mariing pagtatanong.

“Hindi… hindi ko… hindi ko na… hindi ko na po… u… ulitin!”  Ngumunguyngoy.

Mahina ang aking tugon sa antala ng paghahabok ko ng hininga.  Ngunit si itay, waring gusting makatiyak.

“Hindi mo na uulitin?  Sige, humingi ka ng tawad sa nanay mo.  Bilis!”

Makapangyarihan ang boses.

Marahan kong ibinaling ang ulo sa kinaroroonan ng ina.  Sa matang nauulapan ng luha, naaaninag ang ina na nananangis.  May kung anong kumurot sa dibdib.  Sa damdamin ng ina wala nang sasakit pa na makita ang kanyang anak na naghihirap.  Kung maaari lamang sana na siya na ang sumalo ng matatalim na latay sa murang katawan ay gagawin niya.  At naulinigan ko…

“Luis…!”  May halong pakiusap at pagmamakaawa.

“… tama na ‘yan… tigil na ‘yan… tama na ang pananakit mo sa bata!”  May impit ang luha sa mata ni nanay.

Pumupunit sa kalooban ang panawagang iyon.  May umuukilkil sa dahop na pagkatao na waring nagpapatigalgal sa dahop na pang-unawa.  Lumuluha si inay at ako.  Tumatangis ang ina at anak, naghahalo ang luha.  Tumatangis ang anak sa katawang dinaluhong ng kalupitan.  Lumuluha ang inang napupunit ang kalooban.  Sa isip ng ina at anak ang huhupa sa kanilang pagluha ay ang sandaling sila ay magyakap.

“Tumigil ka nga Ester!”  Pabulyaw na sagot ni itay sabay baling ng mabalasik na tingi kay inay.

“Kaya nagiging sutil ‘yang anak mo; kinukunsinti mo!”

Iyon ang unang pagkakataon na nakita kong nagalit ang tatay.  Kahit noon pa, wala akong matandaang napagbuhatan kami ng kamay ng aming ama.  Kung kami man ay nakakagawa ng kasalanan; madalas an gaming ina ang kumakastigo sa amin.

Siguro nga, ang ina ang “ilaw ng tahanan” at ang kakulitan ng kanyang anak ang madalas na “ makapagpapundi” sa liwanag ng kanyang pasensya.  Ang kakulitan ng anak ay kanyang hinuhutok sa mga sermon at pangaral.  Ito ang litanya ng magulang, ang litanya ng ina… nakaririnding sermon, paulit-ulit na pangaral.  Nakakabasag tenga sa muni ng isang anak na ayaw niyang mapariwara.

Walang nagawa si inay.  Muling ibinaling ni itay ang matalim na tingin sa akin.  Nang-uusig.  Nakaamba ang yantok.  Mas higit ngayon ang matinding galit na mababakas sa kanyang mukha.  Nahihintakitan ako sa kanyang anyo.  Isang berdugong naggagawad ng sentensya sa kalapastangan ng anak sa pagsagut-sagot sa ina.

“O, ano… uulit ka pa?  Sagot!”  Mabalasik ang tingin.

“Sige, humingi ka ng tawad sa nanay mo!”  Matigas ang utos.

Hindi matalunton ng kumukulimlim na diwa ang mga sandali.  Nagsasama na ang luha, uhog at pawis sa mukha.  Bahaw na ang boses sa kaiiyak.  Gumuguhit ang mga ugat sa leeg sa pag-atungal na sinusundan pa nang manaka-nakang paghikbi at pagsinok.

Bumaling ako ng sulyap sa aking ama.  Naroon ang katatagan.  Nasa kanyang titig ang tikas ng kapangyarihan ng isang haligi ng tahanan.  Ipinukol ko ang tingin sa aking ina.  Nakatayo siya at nakatunghay sa kaaba-abang kapalaran ng supling.  Sapo ng dalawang palad ang magkabilang pisngi, nangingilid ang mga luha.

“Luis, parang awa mo na, itigil mo na ‘yan!”

Nakatutulig na pakiusap.  At tuluyan nang naglandas sa kanyang mata ang masaganang luha.

Bakit ba mahirap sa isang anak na humingi ng kapatawaran?

Hindi maapuhap ng kawalang malay; sa nasaksihan ay nakaramdam ako ng malaking kahihiyan sa sarili na sukat ikabakla ng buong katauhan.  Isang kakaibang damdaming ipinamumukha nang mapang-usig na titig ng aking ama at ng luha ng inang nagdurusa.  Isang damdaming sumusundot sa budhi, damdaming kumakatok sa konsensya.

Sa sulok ng umaandap-andap na kamuwangan, gusto ko ng magsalita, gusto ko ng magmakaawa, gusto ko ng humingi ng patawad.  Ngunit patda na ang ulirat, lupaypay na ang katawan.  Sa sarili’y gusto ko ng matapos ang lahat, tapusin ang paghihirap na ito.

Pagkalakas-lakas, umatungal ako ng pag-iyak.  Sa musmos na kamuwangan, siguro’y ito na lamang ang paraan upang matakasan ang kahihiyan sa sarili.

“Aba’y lintik kang bata ka! Talagang matigas ang ulo mo ha!  Sige… ilakas mopa!”

Nakasigaw.  Waring nanghahamon ang tinig.  Nagbabanta.
Lalo kong nilakasan ang pagngalngal.  Nakikipagsukatan sa banta ni itay.  Tinatantiya ang ano mang maaaring ikilos.

“Talagang nanghahamon ka ha…!”

Humugong sa hangin ang malakas na haplit ng isang dipang yantok.  Bumalatay sa balat ang malutong na hagupit.  Namilipit ako sa sakit.

“Araayy ko po…!”  Sumisigaw.  Halos maubusan ng hangin sa paghahabol ng hininga.

“Hinahamon mo ako, ‘yan ang dapat sa’yo!  Siguro’y magtatanda ka ng bata ka!”

Ngunit sa halip na paawat, mas lalo ko pang nilakasan ang pag-iyak.  Nanghahamon.  Nakikipagmatigasan.  Nananadya.

“Aba’y talagang…!”

Waring lintik na sumibad ang matalim na hagupit sa lupaypay na katawan.  Hindi lang isa, hindi lang dalawa, hindi lang tatlo, hindi lang apat… sunud-sunod.  Walang habas. Kahit saan tamaan!

Hindi ko malaman kung saan ibabaling ang katawan.  Bahaw na ang boses sa pag-atungal.  Wari’y mauupos ang kamuwangan.  Sumisigid sa kalamnan ang hapdi.  Dumidikit sa isip ang sakit.  At naramdaman ko ang unti-unting pagpanaw ng ulirat kasabay ng mainit-init na likidong umaagos, bumabalong, lumalawa sa basang-basa ko ng salawal.


WAKAS

Linggo, Mayo 22, 2011

Hustisya at Kahirapan

     Sa esensya ng katuwiran, isang kabagsikan ng galing at talino ang baluktutin ang tama at itama ang baluktot.  Sa maruming politika, karaniwan nang kalakaran ng mga limatik sa senado at kongreso na "plantsahin ang gusot sa pamamagitan ng palusot."  Hanggang may paraan para mapagtakpan ang mga kasalanan, hangga't may magagawa para bilugin at bulagin ang batas, patuloy nilang igigilgil at ipagpipilitan ang kanilang interes.  Wika nga ng isang henyong lasenggo "Laws are made to protect those who made the law."

     Sa usapin ng hustisya sosyal sa ating bayan; salapi/kuwarta ang madalas na "palusot" sa anumang pinasok ng "gusot."  Ang makupad na paggulong ng hustisya ay namamani-obra sa kapal ng kuwartang naipantatapal sa mukha ng katarungan.  Usad-pagong ang mga desisyon sa ating korte.  Napakabagal ang pagkakamit sa hinihinging hustisya.  At kung minsan, kumikiling ang batas sa kung sino ang may "malalim na bulsa" at handang mamudmod ng salapi sa bunganga ng mga masisiba at salanggapang sa ating hudikatura.

     Kung sabagay,  matagal nang dumaranas ng inhustisya ang ating bayan.  Ang malawak na kagutumang nararanasan at paglaki ng bilang ng mga mahihirap ay ilan lamang sa maraming katotohanang nagdudumilat sa ating bansa.

     Ayon sa Asia Forbes, pagsipi sa isang pag-aaral ng IBON Foundation, ngayong taong ito, ang 20.4 na bilyong dolyares na pinagsamang kita ng 20 sa pinakamayayamang negosyante sa ating bansa (kabilang sina Lucio Tan at tiyuhin ng presidente na si Danding Cojuangco) ay katumbas nang kita ng halos 12 milyong pamilyang Pilipino.

     Nakapanlulumo ang napakalaking agwat ng mahihirap sa mayayaman.  Kalunus-lunos na isipin na habang patuloy sa pagkakamal ng limpak-limpak na kita at tubo ang ilang kapitalista ay patuloy pa rin na sumasala sa pagkain ang napakaraming bilang ng mga mahihirap.  At pagkatapos, isisisi sa kahirapan ang pagtaas ng kriminalidad; na parang ang maging mahirap ay isa nang krimen.  Ngunit ang totoo, sa pagtatasa ng tunay na kalagayan ng ating bansa, ang hindi pantay na pakakabaha-bahagi ng yaman ang ugat kung bakit hanggang ngayon ay marami pa rin ang nagtitiis ng gutom at nagdidildil ng asin.

     "The excess of one is the deprivation and exploitations of others."  Ang sobra-sobrang yaman ng iilan ang nagtutulak sa karamihan lalo na sa mahirap sa pinakamahirap para matapakan ang kanilang karapatan at tuluyang magbulid sa kanila sa paggawa ng krimen at karahasan.  Ang kahirapan ay isang uri ng karahasan.  At sa susog ng dakilang si Mahatma Gandhi "... ang pinakamasahol na karahasan!"

     Kung gayon, saan makikita ang hustisya sa kulumpon ng laksa-laksang naghihirap?  Masasagot kaya ito ng matandang binata na nasa MalacaƱang? O, kailangang tanungin ang mga kaluluwang sumabog ang mga bungo sa hangaring makiamot ng kapirasong sakahan sa pinakamalaking asyenda sa Pilipinas?
     
     Nagtatanong lang po.

Politika ng Kawalanghiyaan

     Habang pilit pinababango ng Administrasyong P-Noy ang naiwang nangangatas na layak ng nakasusulasok at nakaririmarim na Administrasyong La Gloria, tila dumadaan naman ito sa masikip, makipot at liku-likong landas na tumatahak daw sa daang matuwid.

     Gayunpaman, tila nakapagpapabuway ngayon ang unang salto ng kaniyang Administrasyon sa sinasabing tikas at tatag ng kanyang liderato.  Bagamang aminadaong hindi isang superhero gaya ni Superman na kayang agarang solusyunan ang suliranin ng bayan sa isang kisap-mata parang nangangapa ngayon sa dilim ang pamahalaan sa paglutas sa isang maselang suliraning gumigiyagis ngayon sa ating bansa: ang madugong hostage-taking sa Luneta noong Agosto 23.

     Buong mundo ang sumubaybay kung paano susulusyunan ng ating mga lider ang krisis.  Kagaya ng eksena sa pelikulang aksyon, nagtapos sa madugong waka ang hostage-taking:  patay si dating S/Insp. Rolando Mendoza,  sa kagandahang loob ng assault team ng SWAT; patay ring ang walong Hong Kong nationals dahil sa kultura ng kapalpakan ng Estado.  Arestuhin mo ba naman, kuha ng kamera ang kapatid ng nag-aalburuto na ngang dating opisyal ng pulisya, kung hindi ba naman lalo pang kumulo ang pagkaburyong sa sumusulak nang utak ni Mendoza.

     Batikos ang inani ng gobyerno; bigwas sa kredibilidad ng Estado ang kapalpakan ng mga negosyador.  Subalit sino nga ba ang dapat sisihin sa pangyayaring ito?  Sino ang dapat managot?


     Pero isa lamang ang malinaw:  walang sistema ang pamahalaan sa pagtugon sa ganitong uri ng suliranin; at kapag pumalpak na, turuan na at kani-kaniya nang paghuhugas-kamay.  Pagkaminsan, magtuturo pa ng sacrificial lamb para akuin ang kanilang kapalpakan.

     Bilang pabalat-bunga naman, gumawa ang gobyerno ng isang fact-finding commission na mag-iimbestiga, kuno, sa isyu para pakalmahin ang nag-aalburutong damdamin ng kamag-anak ng biktima, at maging ng publiko.  Ngunit ang pinakamalaking tanong:  matapos ang 'sang katerbang pag-iimbestiga, meron bang mapananagot sa harap ng batas?

     Bagaman buong katapangang inako ni P-Noy ang kapalpakan sa naganap na hostage drama, hindi lamang ito simpleng isyu ng command responsibility.


     Sa nangyari, masisilip ang napakaraming butas sa pamamaraan ng paggogobyerno sa bansa.  Maraming dapat alisin, maraming dapat baguhin.


     Sa bansang Pilipinas, tandaang intelektuwal ng mga kriminal:  batid nila kung paano nila pagtatakpan ang kanilang kasalanan.


     At sa tindi ng politika ng kawalanghiyaan sa ating bayan, huwag nang magtaka na baka isang araw, magising tayo na ang gobyerno ni P-Noy ay hostage na ng mga dorobo at walanghiya, at hila na sa ilong patungo sa liku-liko at baluktot na panunungkulan.

Ang Epidemya

Mas maaga akong nagising kaysa sa karaniwan.   Ngayon ay nasa ikalawang araw na ng pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) da...