Nararamdaman ko pa ang paghugong ng
nilagok kong tubig sa aking lalamunan hanggang sa aking sikmura. Alumpihit ang malakas na buga ng tubig na tumutulak
paibaba at pailalim sa mga pagkaing nagtangkang bumara sa aking lalamunan at
ang mangilan-ngilang kimpal ng tingang nagkasabit-sabit sa aking labi at
bibig. Walang anumang hadlang sa aking
paglunok. Walang bumabara. Hindi barado
ang lalamunan. Malayang naglalandas sa
tubong nagdurugtong sa bunganga ko at sikmura ang mga sapal ng mga kinatas na
sustansya. Hindi man lubos maisip ang
lasa, salamat sa puwersa ng nilagok kong tubig; tumitining sa lalamunan ang
hulas ng nilunok kong pagkain.
Ang sabi ng iba; “mas marumi ang lumalabas sa katawan kaysa sa pumapasok
sa bibig.” Katwiran ko; ano man ang
ipinapasok sa bibig ay saklaw ng kapasyahan ng taong sumusubo nito. At kung ano man ang lumalabas sa katawan;
malinis man o madumi ay bunga lamang ng kanyang mga isinusubo.
Saksi ako sa maraming pagkakataong nakikipagbuno ang ilan sa
pag-aalburuto ng tiyan. Humahangos ang
iba na bigla na lang tutuwad sa aking bibig; namumutil-mutil ang pawis dahil sa
hindi maipaliwanag na nararamdaman. At sa puwersang itinulak ng sikmura,
malayang ibinubuga paibaba nang paibaba ang mga abubot ng kumukulong
tiyan. Buong giliw at pagpapaubayang
tatanggapin ito ng aking bibig. Walang
anumang pagtutol. Buo ang loob kong lulunukin ang pinakamasahol sa mas masahol
pang bagay na sukat ikabaligtad nang sinumang mahihina ang panlasa at
panunaw. Hindi ko alam ang lasa ng
masarap, hindi ko rin alam ang amoy ng mabango ngunit natutunan ko at
napag-aralan na huwag maging maselan. Inugali kong huwag maging pihikan at
huwag matutong tumanggi sa anumang
iniaalok na maisusubo sa aking bibig.
Glorya ang karanasang mairaos ang tawag ng kalikasan. Nakita ko ang kaginhawaan sa maraming mga mata matapos maluwag na mailabas ang dumi
ng kanilang sikmura. Kapanatagan ng isip at damdamin ang ibinibigay ng
karanasang ito. Nakita ko sa maraming
mukha ang maaliwalas na rehistro ng tagumpay matapos mapagbigyan ang
pag-aalburuto ng kanilang tiyan. ”Success”, ‘ika nga. Hindi naman kasi biro ang
pigilan ang sakit ng sikmura; lalo na’t nararamdaman mo na anumang sandali ay maaari nang lumabas ang mga “shit”
sa iyong hindi makapaghintay na “ass hole”.
At lalo ka pang mapapa-shit dahil kung kailan na masakit na masakit na
ang iyong tiyan ay saka naman hindi mo
ako matagpuan. Kung mapapasakan lang ng
tapon ang iyong mamasa-masang tumbong; malamang ay ginawa mo na!
Mahirap pigilan ang tawag ng kalikasan.
Walang pinipiling estado sa buhay ang nagngangalit na pag-aalburuto ng
sikmura. Walang mayaman, walang mahirap. Walang pangit o maganda. Walang sikat at dakila. Sa mata ko’y pare-parehas lamang ang itsura,
sa bibig ko’y magkakatulad lamang ang lasa, sa ilong ko’y magkakatulad din ang
amoy. Kapag sa oras na nangalampag na
ang tiyan; wala akong pinipili. Basta’t
first come, first serve. Mauna ang dapat
mauna. Hintay-hintay lang sa mga
nahuli. Konting tiis. At kung pagkakataon mo na; sa’yong-sa’yo
ako. Ako ang iyong trono. Ikaw ang aking
hari. Paglilingkuran kita hanggang sa pinakahuling katas na mapipiga ng iyong
sikmura. Huwag kang magmadali. Take your time. Huwag kang mag-apura. Wala sa bilis ang
paglasap ng lugod at ginhawa. At kung
mailabas mo na ang lahat; at kung hangin na lang ang kumakawala sa bawat ire mo
at bawat pagtatangka; musika sa akin ang iyong pagbubuntong-hininga.
Napakalaking ginhawa ang mababanaag sa iyong maaliwalas nang mukha. Nalampasan mo ang pagmamaktol ng iyong tiyan,
ang pagpalahaw ng iyong bundat na sikmura.
At para sa akin, eto na siguro ang kasiyahan sa paglasap ng
kapaitan. Masisikmura ko ang lahat
kapalit ng iyong ikagiginhawa. Lulunukin
ko ang lahat makita lang kitang masaya. Sapagkat, “hindi ang pumapasok sa bibig
ang nagpaparumi sa akin.” Katulad mo,
batid ko rin na anumang pumapasok sa bibig ay tumutuloy sa tiyan at idinudumi.
Ngunit ang lumalabas sa bibig ay nanggagaling sa puso, at ito ang siyang
nagpaparumi. Sapagkat sa puso
nanggagaling ang masasamang pita, ang masasamang isipan, ang mga pagpatay, ang
pangangalunya at pakikiapid, ang pagsaksi sa mga kasinungalingan at paninirang-puri. Ang mga ito ang mga nagpaparumi. Batid ko ang inilalabas ng iyong sikmura,
ngunit hindi ang laman ng iyong budhi.
Kung nalulunok ko lang ang tunay na ipinipintig ng iyong puso; ituturo
ko kung sino ang nagmamalinis!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento