Biyernes, Agosto 23, 2013

A Ba(l)d Story


From Sta. Lucia, nag-taxi kami papuntang Pasig Gen. Hospital.  Hustong isang daang piso rin ang aming binayaran.


     "Guro", tawag ni Charles, "nagtext si Nathan, dalhan mo raw s'ya ng dyaryo."


     "Itanong mo kung anong gusto n'ya, Bulgar ba o Tiktik?"  Tawanan kami.


     "Saan pa kaya tayo makakakuha ng diyaryo? Pasado ala una na."


     "Tingnan na lang natin sa convinient store sa tapat ng ospital."


     Pasok kami sa convinient store.


     "Walang diyaryo"


     "Ibili na lang natin s'ya ng magasin."  Sabi ko.


     "Anong magasin?"


     "'Yun... yung FHM" sabay tawa.


     "Naku guro 'wag 'yan, lason 'yan!"  Sabay tawa uli.


     "E, 'di eto na lang..." sabay turo sa magasin na ang cover ay isang lalakeng nakahubad.


     "Pwede..."


     Binayaran namin ng halos isang daan.  Pumasok kami sa ospital.  Sa entrada, isinuot namin ang face mask.  Akyat kami sa fourth floor.  Lakad kami hanggang mapatapat sa isang silid na ang nakapaskil ay ISOLATION ROOM.  Sinalubong kami ng isang matandang babae.  Nanay ni Nathan.  Kinamayan ko siya; na buong giliw naman niyang tinanggap.


     Diretso kami, sa kama, naroon si Nathan.  Sinalubong kami ng matang namimilog.  Ipinihit ang katawan sa pagkakahiga upang makaupo.  Upang sa natitirang lakas ay magawang maistima ang mga dumalaw na kaibigan.


     "Si sir..." Ulinig ko mula sa kanyang pinalalakas na boses.


     "Kumusta ka na?" Bati ko, habang iniaabot ang ipinabiling magasin.


     "Okey na ako sir."  Sagot niya.


     Binusisi ng aking paningin ang kanyang kabuuan.  Noon pa man, nang estudyante ko pa s'ya talagang patpatin na ang kanyang itsura.  Pero ngayon, simula nang gupuin ang kanyang katawan ng inilihim niyang karamdaman; parang buto siyang kinapitan ng balat ngunit naubos ang laman.


     Sa kalooban ko, gusto lamang niyang kalamayin ang aming sarili.  Ipakitang malakas na siya.  Ipakitang hindi siya basta-bastang maigugupo ng anumang sakit.


     "Bukas nga sir lalabas na ako.  Nakakakain na rin ako.  Hindi gaya nung unang araw ko dito sa ospital, hindi talaga ako makakain.  Magkaroon man ng laman ang tiyan ko; kung hindi ko isuka, itatae ko naman."


     "Ano ba kase ang findings ng doktor? Ano ba'ng nangyare?"  Tanong ko.


     "May lagnat kase ako nu'n sir, ininuman ko ng isang tableta ng gamot saka ako naligo; du'n nagsimula."


     "Sa lahat ng dinaanan mong medical test, ano daw ang resulta?"


     Parang may bumara sa kanyang lalamunan.  Hindi siya agad nakapagsalita.  Pero bakas sa kanyang mukha ang pagtatakip sa tunay n'yang karamdaman.


     "TB sir...!"


     Hindi na ako umimik.  Alam kong nahihiya siya.  Alam ko rin ang pagkaawa niya sa kanyang sarili; ang maaari kong sabihin kung makita ko siya sa ganung kalunus-lunos na kalagayan.


     Kanina, habang tinitext s'ya ni Charles, sinabi n'ya rito na huwag na akong papuntahin.  Hindi ko maintindihan, kung ito ay isang ordinaryong sakit lang, walang dahilan para pagbawalan niya akong makadalaw.


     "Ayaw ka n'yang papuntahin guro... nahihiya..."


     "Eh ano bang dapat n'yang ikahiya?  Natural lang na dalawin ang may sakit.  Ano bang sakit n'ya?"


     "Basta nanghina, guro, humina 'yung immune system.  Kesyo nagkaroon ng kumplikasyon sa dugo.  Sinalinan nga ng dugo 'yan eh.  Maraming beses din pero hindi ma-trace kung ano talaga.  Kaya nga dumaan s'ya sa maraming test.  Hanggang ngayon, humihingi pa rin s'ya ng second hanggang third opinion sa mga doktor."


     "Ikaw, sa tingin mo?"


     "Kalawang... guro!  'yung patuloy n'yang panghihina, 'yung pag-deteliorate ng kanyang resistensya... 'yon na 'yon!  "Yung huling dalaw namin nina Bless, umamin 'yan sa amin eh... Hindi s'ya naging maingat.  Lumarga kung saan madistino.  Okey lang sana eh, kaso walang proteksyon."


     "Sigurado ka ba d'yan?'


     "Confirm 'yan guro.  Kahit si kami hindi makapaniwala.  Si Bless nga, nagngangangalngal; nagtatanong anong nangyari kay Nathan.  He never confirmed nor deny... pero buo ang loob namin na positibo s'ya.  Ayaw lang n'yang ipaalam."


     Sana nga hindi na lang totoo.  'Yan din ang nakarehistro sa utak ko.  Agyaw kong ring maniwala hanggang walang kompirmasyon.  Pero nang nandito na kami sa ospital, sa loob ng ISOLATION ROOM, hindi makapagsisinungaling ang nakikita ng aking mata.  Kahit anong klaseng pagtatakip, hindi mapagtatakpan ang katotohanan.  Kung anumang uri ng karamdaman ang dumapo sa kanyang katawan; isa lang ang malinaw, banta ito sa kanyang buhay.  Bibilang ang araw, linggo, buwan at taon; uupusin siya nitong tulad ng kandila, hanggang bumigay ang kanyang lakas, hanggang saklutin siya ni kamatayan.


     Halos mag-iisang oras na rin kaming nasa ISOLATION ROOM.  Mahaba-haba at marami-rami na rin kaming napag-usapan.  Kwentuhan tungkol sa nakaraan.  Huntahan tungkol sa kanya-kanyang tinahak na buhay.  Bagaman tahimik ang silid, pinunan namin ito ng malulutong na halakhakan.  Kulitan, asaran, biruan.  Umaalog pa ang kanyang balikat habang pinipigil ang kanyang pagtawa.  Saka niya hahagurin ang dibdib at tiyan.  At dahi tawa daw ang mabuting panlunas, nawa'y magamit nito ang sakit; hindi ng katawan kundi ang karamdamang umaalipin at nagpapahirap sa puso at pagkatao.  Sa sarili ko'y mas mabuti ang ganito, nakikita ko siyang nakangiti at nakatawa.  Wala sa mukha ang paghihirap, ang sakit, ang hapdi, ang kirot.


     Malaya kong hinagod ang aking mata sa kanya.  Mula paa; humaba na ang kanyang kuko, hindi nahinukuhan sa halos isang buwang pagkakaospital.  Natatakpan ng kumot ang kanyang binti hanggang bewang.  Humukot na ang kanyang balikat.  Parang nanunuyong hindi biyas, kundi patpat ng kawayan ang kanyang braso at kamay.  Ang kanyang daliri ay daliri na lamang ng kalansay.  Umusli na ang butong nagdurugtong sa kanyang dibdib at balikat.  Sa tingin ko'y mas humaba ang kanyang leeg, mas lumitaw ang kanyang adam's apple; bumababa-tumataas sa hindi minsang pagtawa at pagpipigil ng paghalakhak.  May pamumutla pa  rin ang kanyang mukha.  Litaw na litaw ang kanyang cheek bone.  Lapat na lapat ang balat sa hugis ng kanyang bungo.  Lumubog na ang kanyang pisngi.  Tuyot na rin ang kanyang labi.  Nababanat ang hugis ng bibig kung siya'y tumatawa.  Lumalabas ang putlang gilagid pati  ang kumpleto ngunit naninilaw na ngipin.  Mas lumaki ang piraso ng ngipin dahil sa lumiit at yayat niyang pagmumukha.  Para itong puting tiklado ng piyano kung tingnan sa malayo.  Namimilog ang kanyang mata.  Lumuluwa ito sa kanyang "eye socket."  Kapag nanlalaki, lumilitaw ang puti sa itim ng kanyang mata.  Para itong twenty five watts na bombilya; lumiliwanag sa biglaang sindi; napupundi kapag pumipikit.  Tumatakip ang ilang hibla ng buhok sa kanyang mukha.  Ngunit ang mga guwang sa pagitan ng mga hibla ay nagpapakita ng manipis na tubo ng buhok sa kanyang noo.  Hindi na kayang itago nito ang kanyang pagkapanot.  Hindi ko tuloy maiwasang magbiro.


     "Tingin ko, alam ko na ang sakit mo?"


     "Ano sir?"


     "H.I.V....!"


     Namilog ang mata ni Nathan, mas lalo pa s'yang pinamulahan.  At si Charles ay nabigla rin.  Akmang balak akong awatin sa aking sasabihin.


     "Anong ibig mong sabihin sir?"  Tanong ni Nathan.


     "Charles, tingnan mo ang noo n'ya; 'di H.I.V. 'yan?"


     "Ha?" pagtataka ni Charles.


     "H.I.V....  Hair Is Vanishing Syndrome!"  Makakalbo na 'yang si Nathan...!"


     "Oo nga no..." susog ni Charles.

     At sabay-sabay kaming humagalpak ng tawa.










     

Ang Epidemya

Mas maaga akong nagising kaysa sa karaniwan.   Ngayon ay nasa ikalawang araw na ng pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) da...