Miyerkules, Mayo 25, 2011

Balitaktakan sa Rm. 41


"Eto ang beat, sabay-sabay
eto ang beat, bawal sablay
pabilis nang pabilis
'wag magmi-miss
'wag magmi-miss
get's mo na
get's mo na
aaahhh
coca-cola

nalilito, nalilito
nahihilo, nahihilo
coke ko 'to
coke ko 'to
coke ko 'to
coke ko 'to"

     Hindi ito nursery rhyme na itinuturo sa mga nursery school.  Bagaman parang nursery rhyme, mas maririnig mo itong kinakanta ng mga kabataang nasa hustong edad na.  Kasabay sa pagpalo at paghataw ng mga kamay sa mesa at ang pagsalikop at pagbukas ng palad habang sumusunod sa pabilis na pabilis na rhythm ng kanta; iniiwasan ng mga kalahok na magkamali.  Dahil kung nagkataon hindi mapapasakanya ang nagyeyelong pamatid-uhaw na iniindorso sa kanta.

     Makikita sa commercial ang dalawang kolehiyalang inaawit ang kanta kasabay ng mga aksyong isinunod sa beat ng awitin.  Sa kabuuan, iniiwasan ng dalawa na magkamali para mapasakanya ang namamawis sa lamig na softdrinks na tinutukoy sa patalastas.  Ito'y simpleng laro o sabihin pang kompetisyon ng focus at konsentrasyon.  Ang excitement ng kompetisyon ay nasa execution ng pagkanta kasabay ng mga kilos na umaayon sa beat ng awitin.  Pabilis nang pabilis ang rhythm ng kanta nang bumibilis ding aksyon sa kanta.

     Makapigil hininga ang laro.  Nagsusukatan ang kalahok ng tikas kung sino ang perpektong makabubuo ng awitin na hindi nagkakamali.  Nag-uumigting ang kanilang pagnanasa na manalo.  At ang premyo:  ang softdrinks na iniindorso!  Sinuman ang manalo; wala nang sasarap pa na lagukin ang softdrinks na napagwagian sa simpleng laro lamang.  At sa mga minalas; "Ulitin natin please...!"  Meron pang pagkakataon para makabawi.

     Mahusay ang atake ng commercial na ito.  Nangungunyapit sa utak ng mga nakakapanood ang pagkagiliw sa "larong" ibinabandera ang produkto (softdrinks) at sa produktong premyo sa "laro".  At dahil mahusay ang konsepto, nagkaroon ito ng sequel.  Bagaman halos parehas lamang sa nauna, nag-iba na ang mga karakter:

     "Dalawang madreng magkaharap na nakaupo sa mesa.  Parating ang ikatlo na may hawak ng produkto (softdrinks).  Sa bilugang pangangatawan nito maiisip mong siya ang madre superyora.  Umupo ito sa pagitan ng dalawang madreng paharap sa mesa.  Ipinatong ang softdrinks. Nagkatinginan.  Nangusap ang mga mata.  Kasabay sa pagpalo sa mesa bilang hudyat... nagsimula na ang seremonyas.  Si madre superyora ay awtomatikong sumabay, sumunod sa kilos at kanta.  At hindi pa man natatapos ang kabuuan ng "laro" si mother superior, sa kanyang kakatuwang inasal ay agad-agarang kinuha ang softdrinks.  At ang kabuuan ng eksena ay tinapos nang malulutong na halakhakan."

     Makapangyarihan ang telebisyon sa paglalatag ng mga paninda sa kamalayan ng mga konsumer.  Ang pag-iindorso ng produkto sa pamamagitan ng telebisyon ay isang mabisang paraan upang mailapit sa mga mamimili ang kahusayan ng isang produkto.

     Kanya-kanyang pakulo ang mga commercial.  Kanya-kanyang gimik at style.  Iba-iba ang tema, iba-iba ang konsepto.  Mas bago ang konsepto, mas madaling matatandaan ng tao ang produkto.

     Sa husay ng commercial, nagiging madali sa mga kapitalista na ibaling ang kamalayan ng mga mamimili sa kalakal; produkto man ito o serbisyo.  Higit pang pinatatag ng orkestradong galaw ng mangangapital at mass media ang produkto sa utak ng konsumer sa pamamagitan ng pagbabandera ng magandang imahe ng indorser sa produkto.

     Kailangang umayon ang kalidad ng produkto sa image ng indorser o sabihin pang dapat ayunan ng indorser at ng kanyang image ang produkto na ipinapakilala.  Ang maamong mukha ng artista, ang makikinis na kutis, ang mahabang buhok, ang mapuputing ngipin, ang malulusog na dibdib, ang maskuladong katawan at ang walang amoy at mukhang mabangong kilikili ang siyang pinagtitiyap-tiyap sa harap ng kamera upang ipakita sa mga manonood ang kalidad ng produkto.

     Mula sa pinakamalalaki hanggang sa pinakamaliliit na kalakal:  toothpaste, toothbrush, shampoo, conditioner, panlinis ng mukha, pang-ahit ng balbas at bigote, deodorant, make-up, tsinelas, sapatos, medyas, brief, panty, panapal sa panty, diaper, pantalon, damit, mga gamot (gamot sa sipon, ubo, buni, hadhad at eksema), mga bitamina (dahil sa panahon ngayo'y bawal ang magkasakit), tinapay, palaman sa tinapay, sabon (sabong mabango at sabong panlaba), pamatay-insekto at kulisap, alak, modelo ng alak, kotse, bahay, pintura ng bahay, appliances, tinidor, kutsara, plato at platito, plastik, timbang plastik, tubig, pagkain, softdrinks, karne, karne norte, karne ng manok, patuka sa manok, pansit, pansit canton, mami, instant mami, noodles, instant noodles, (mamili ka kung anong flavor; chili, chili mansi, beef or chicken); lahat nang ito ay mga samu't saring produktong inilatag ng commercial sa kamalayan ng mga mamimili.

     Ang commercial; sa tulong ng telebisyon ay magagawang i-programa ang utak ng mga konsumer bilang tagakunsumo at taga-ubos.

      Lilikha nang lilikha ang isip, gagawa nang gagawa ang tao.  Sa sistemang kapitalismo at komersyalismo iigting ang relasyon ng tao sa produkto.  At dahil ang mundo'y mistulang palengke ng kalakal at serbisyo; mabibili ang lahat... lahat ay may karampatang halaga... ultimo ang pagpapakatao ng tao sa kapwa tao.

3 komento:

  1. Sir, ituring ninyo na lamang pong mababaw ang aking pag-intindi. Ano po bang relasyon ng pamagat sa inyong isinulat?

    TumugonBurahin
  2. nung nagtuturo ako sa ICCT college nakita ko yung klase ko na nag-uumpukan sa isang sulok at nilalaro yung commercial na ito... hinayaan ko lang sila... then pagkatapos... tinanong ko kung ano ang relevance nito sa sarili nila at ano ang pakinabang nila... yun na! diskusyong umaatikabo, balitaktakang walang puknat... at nangyari ang lahat nang ito... sa 4th Floor room 41.

    TumugonBurahin
  3. astig sir .. napaisip nga alng ako dun sa balitaktakan nung una. may hint n kasi na sa room 41 nangyri ang lahat. :)

    TumugonBurahin

Ang Epidemya

Mas maaga akong nagising kaysa sa karaniwan.   Ngayon ay nasa ikalawang araw na ng pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) da...