Gayunpaman, tila nakapagpapabuway ngayon ang unang salto ng kaniyang Administrasyon sa sinasabing tikas at tatag ng kanyang liderato. Bagamang aminadaong hindi isang superhero gaya ni Superman na kayang agarang solusyunan ang suliranin ng bayan sa isang kisap-mata parang nangangapa ngayon sa dilim ang pamahalaan sa paglutas sa isang maselang suliraning gumigiyagis ngayon sa ating bansa: ang madugong hostage-taking sa Luneta noong Agosto 23.
Batikos ang inani ng gobyerno; bigwas sa kredibilidad ng Estado ang kapalpakan ng mga negosyador. Subalit sino nga ba ang dapat sisihin sa pangyayaring ito? Sino ang dapat managot?
Pero isa lamang ang malinaw: walang sistema ang pamahalaan sa pagtugon sa ganitong uri ng suliranin; at kapag pumalpak na, turuan na at kani-kaniya nang paghuhugas-kamay. Pagkaminsan, magtuturo pa ng sacrificial lamb para akuin ang kanilang kapalpakan.
Bilang pabalat-bunga naman, gumawa ang gobyerno ng isang fact-finding commission na mag-iimbestiga, kuno, sa isyu para pakalmahin ang nag-aalburutong damdamin ng kamag-anak ng biktima, at maging ng publiko. Ngunit ang pinakamalaking tanong: matapos ang 'sang katerbang pag-iimbestiga, meron bang mapananagot sa harap ng batas?
Bagaman buong katapangang inako ni P-Noy ang kapalpakan sa naganap na hostage drama, hindi lamang ito simpleng isyu ng command responsibility.
Sa nangyari, masisilip ang napakaraming butas sa pamamaraan ng paggogobyerno sa bansa. Maraming dapat alisin, maraming dapat baguhin.
Sa bansang Pilipinas, tandaang intelektuwal ng mga kriminal: batid nila kung paano nila pagtatakpan ang kanilang kasalanan.
At sa tindi ng politika ng kawalanghiyaan sa ating bayan, huwag nang magtaka na baka isang araw, magising tayo na ang gobyerno ni P-Noy ay hostage na ng mga dorobo at walanghiya, at hila na sa ilong patungo sa liku-liko at baluktot na panunungkulan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento