ABSTRAK
Magiging tuntungan sa papel na ito
ang nobelang Desaparesidos ni
Lualhati Bautista. Muling kikilatisin ang representasyon ng mga babaeng tauhan
ni Lualhati mula sa pagiging asawa, ina, hanggang sa representasyong
rebolusyonarya. Sa pamamagitan ng pagmamapa sa kasaysayan sa panahong
nailathala ang akda at sa pagsilip sa ilang tala sa buhay ng otor kasama ang
ilan niyang mga akda, sisikaping makita ang epekto ng OPLAN BANTAY-LAYA na
pakana ng nagdaang administrasyong Arroyo sa mga biktima ng Enforced and Involuntary Disappearance o
(EID) at maiugnay ito sa mas malinaw na paglelente sa isyu ng mga
kababaihan.
Susing
Salita: Desaparesidos, Inang
Rebolusyonaryo, OPLAN BANTAY-LAYA, Enforced and Involuntary Disappearance (EID)
Panimula:
Sabi ng isang Pranses; “If you want to know more about men, study
women,” kung nais daw nating maunawaan ang mga lalake dapat nating
pag-aralan ang mga babae. Sa lipunang ito na matagal nang namamayagpag ang
“makalalakeng uri,” laging nasa laylayan ang usapin ng pagiging babae. Laging kumikiling o nakakiling ang
partriyarkal na lipunan sa mga nagawa ng mga lalake at laging naisasantabi ang
dakilang ambag ng babae sa ating lipunan.
Kung susumahin, ang pagsikil sa
karapatan ng mga kababaihan ay manipestasyon ng higit pang problemang
kinakaharap ng bansa. Minsan o mas madalas; ang babae at ang maging babae ay
nagiging tampulan ng hindi pantay na pagtrato ng makauring lipunang ito na ang
mga kamay ay laging nakasakal sa leeg ng mga mahihina at walang laban. Kaya’t
ano ang kaibahan ng karanasang ito sa danas ng iba pang napagmamalupitan? Aralin natin ang mga babae… ang kanilang mga
likha, ang kanilang mga gawa. May
kakaibang “dating” ang sipat nila sa mundo, may kakat’wang pagtingin ang
pagyapos nila sa buhay…
Pagluwal
kay Lualhati
Sabi ni Luna Sicat-Cleto, “buklatin
mo ang anumang libro o akdang isinulat ni Lualhati Bautista, at tiyak na mayroon
kang mapapansin. Magaan ang wika, madaling
suotin ang sinasabi. Hinihigop ka agad ng kuwento. May siste, may
humor. Tila naririnig ang ibinubulong ng iyong utak at palilitawin iyon sa pahina.
May opinyon tungkol sa mga nangyayari, pangyayari: sa kultura, sa kasarian, sa pook, sa
politika, sa palitan ng dolyar at piso, ultimo sa kasaysayan at binubuo pang
kasaysayan… sa madaling sabi, buklatin mo ang anumang libro o akdang isinulat ni Bautista at alam mong nagbabasa
ka ng isang akdang likha ng isang mananalaysay” (2011, p. 259).
Hindi maitatatuwang primera klaseng
manunulat si Lualhati Bautista. Malalim ang kanyang sensibilidad bilang babaeng
manunulat sa pag-urirat niya ng kasaysayan.
Pumapakat ang kanyang karanasan bilang babae sa pagdalirot ng mga isyung pumupuntirya sa pagiging ina, pagiging
asawa at bilang “ang babae”.
Bagaman nakaisang semestre lamang
ng pag-aaral ng kolehiyo sa kursong Journalism sa Lyceum dahil sa kawalang
interes, “matapang mag-isip si Lualhati (Sicat-Cleto, 2011, p. 265). Ang katangiang ito ay hinulma ng pagpapalaki
ng kanyang mga magulang. Ang kanyang
ama, na isang mang-aawit, kompositor, musikero at makata “ang nagbukas ng pinto
ng kanyang imahinasyon… (2011, p. 272). Ang kanyang ina, bagaman ayon sa
kanyang paglalarawan ay “kasama sa henerasyon ng mga babaeng nasa bahay lamang,
tanggap ang papel bilang ilaw ng tahanan” (2011, p. 267) ay rebelasyon sa kanya
ang kahusayan nito sa pagsusulat kung nabigyan lamang ito ng pagkakataon.
Naging malaking impluwensya rin kay
Lualhati Bautista ang mabigyan siya ng pagkakataong makapagsulat sa Liwayway.
Malaki ang kinalaman ng babasahing ito sa pag-imbulog ng kanyang literary
career. Sa interbyu ni isinagawa ni Luna
Sicat-Cleto (2011), “walang pagtatakip o pagkapahiya ang pag-amin niya sa
pagkonsumo ng kulturang popular. Taas
noo niyang sinabi na ito ang binabasa nila sa pamilya, at ito ang lathalaing inambisyon
niyang mapaglathalaan ng kaniyang kuwento.” (p. 271).
Pagluluwal ng Akda
Bago naging nobela ang akdang Desaparesidos,
nanalo muna ito sa Philippine Centennial Literary Contest noong 1998 bilang
screenplay. Taong 2000 nang mabili ng Viva Films ang karapatan sa
pagsasapelikula ng Desaparesidos. Ngunit
bago ito, naidirehe muna ni Joel Lamangan ang dulang pantelebisyon ng
Desaparesidos para sa GMA Telesine. At
noong 2007, nailathala ito bilang nobela ng Cacho Publishing House.
Sa pagtataya ni Luna Sicat-Cleto sa
kanyang interbyu, masasabing panulukang bato sa career ni Bautista ang naturang
nobela. Aniya; “nanganak ang nobela ng mga debate hinggil sa pagsusulat ng mga
partikular na paksang kadikit na ng batas militar: tortyur, panggagahasa, at ang
tinutukoy ng mismong pamagat, ang mga desaparesidos.” (p. 261). Ang
nobelang ito ang mistulang naging “hulmahan” ng iba pang manunulat na sumusulat
sa mga paksaing tumatalakay sa isyu ng batas militar.
Akala
natin ay nasabi nang lahat ang gustong sabihin ni Lualhati Bautista tungkol sa
bisa ng Martial Law sa pamilyang Filipino sa kanyang Dekada ’70. Pero narito
ang Desaparesidos, at kalunos-lunos ang nilalaman ng bagong nobela tungkol sa
pagkalasog ng mga kabuktutan ng militar sa pamilya ng mga rebolusyonaryong nasa
kanayunan sa panahon ng diktadura. (Lumbera, 2007, p. v.)
Halos dalawampung taon ang pagitan
nang mailathala ang Dekada ’70 (1988) at ang nobelang Desaparesidos (2007). Sa Dekada ’70, ang takbo ng naratibo ay
nakatuon kay Amanda Bartolome, isang asawa at ina sa kanyang mga anak na
dumadanas ng pagbabagong pangkasaysayan ng mga panahong iyon. Madilim ang bahaging ito ng ating kasaysayan.
Ang pagdedeklara ng Martial Law noong Setyembre 21, 1972 ni Marcos ang sumupil
sa mga basikong karapatan ng mga Pilipino.
Marami sa atin ang pinangibabawan ng takot. Maraming nawala; maraming inulila. Ilang ina ang nawalan ng asawa…? Ilang ina ang nawalan ng anak…? Ilang anak ang nawalan ng ina…?
Ngunit bakit inabot ng halos
dalawampung taon bago nasundan ang Dekada ’70?
Ano ang kaligirang pangkasaysayang umiiral sa panahong nalathala ang Desaparesidos?
Kutob ng Isang Ina… Inuulit na
Kasaysayan
Dapat ilugar ang akda sa isang
partikular na panahon. “Maaaring basahin ang aspektong historikal at
sosyolohikal sa panahong isinisiwalat ng akda. Maaari rin namang sa panahong
binabasa ang akda” (Lumbera, 2000, p.260).
Matatandaang taong 2007 nang mailathala ng Cacho Publishing ang
Desaparesidos bilang isang nobela; at ang panahong ito ay bahagi ng siyam (9)
na taong panunungkulan ni Gloria Macapagal Arroyo sa poder ng
kapangyarihan. Nang mapatalsik si Joseph
Estrada dahil sa isa na namang EDSA, matapos hindi payagang mabuksan ang
envelop na naglalaman daw ng “katotohanan” sa anomalyang pinasukan ng
bigotilyong si ERAP; nagkukumahog na nanumpa bilang ika-14 na Pangulo si
Gloria.
Ngunit anong klaseng administrasyon
at uri pamamalakad ang “ibinida” ni Arroyo?
Ayon sa KARAPATAN (2009), isang organisasyong
kumikilala at nangangalaga sa karapatang pantao, “The almost nine years of the U.S.-backed Arroyo government is
characterized by the use of its military for political repression coupled with
deception to cover up the gross human rights violations committed against the
Filipino people” (p. 2).
Ang siyam na taong sabwatan sa pagitan ng U.S. at administrasyong Arroyo
ay kakikitaaan ng paggamit ng militar para sa pandadahas at panunupil. Naging
mapanlinlang ang administrasyong ito upang mapagtakpan ang malawakang
pang-aabuso sa karapatang pantao ng mamamayang Pilipino.
Dahil sa patuloy na pangungunyapit ni Arroyo sa
pondilyo ng mga Kano at mapanatili ang sarili sa poder ng kapangyarihan;
sumawsaw ang administrasyong ito sa panawagan ng U.S. laban sa “War on
Terror”. Ipinatupad ni Arroyo bilang Commander-in-Chief
ng AFP ang “OPLAN BANTAY-LAYA.” Isang pambansang polisiya, na naghatid ng
takot at terorismo sa mamamayang Pilipino.
Pinuntirya ng polisiyang ito, sa tulong ng kanyang numero unong berdugo
na si Major Gen. Jovito Palparan Jr., na ilang beses pa niyang pinapurihan sa
kanyang SONA, ang mahigpit na kritikong lantarang bumabatikos sa Administrasyong
Gloria.
Sa panahong ito ng kanyang panunungkulan at
pagpapatupad ng kanyang OPLAN BANTAY-LAYA, tumindi ang Extra-Judicial
Killings, Enforced Disappearance, mga biktima ng Illegal Arrest,
Harrassment at pagtaas ng bilang ng mga bilanggong politikal. Sinong
makakalimot sa mga patayan, pagdukot, panghaharass at panggagahasa sa panahong ito
ni Gloria? Naging mainit ang mata ng
administrasyong ito sa sinasabing “makakaliwa”. Inakusahang “kalaban ng
estado”, rebelde o komunista ang sinumang hayagan o di hayagang pumupuna sa
di-makataong polisiya ng gobyerno at nakikibaka para sa pundamental na reporma
sa ating pamahalaan. Nawala o sadyang binura ang linyang humihiwalay sa pagitan
ng kilusang nagsusulong ng armadong pagkilos at ng kilusang naglulunsad lamang
ng mga kilos protesta. Sa panahong ito,
sinuman ang mapagbintangan ay maaaring mamatay at mawala!
Mulat at malay si
Lualhati Bautista sa nangyayaring ito sa ating bansa; reaksyon niya sa isang
interbyu ni Pennie Azarcon (2008) sa Philippine Daily Inquirer, “Ano ang
kaibahan sa pagitan ng Martial Law at nang sumunod na mga taon kung ang mga tao
ay pinapatay at patuloy na nangawawala dahil inakalang kalaban ng gobyerno?”
(sariling salin).
Hanggang ngayon, naging mailap ang katarungan para
sa mga biktima ng OPLAN BANTAY-LAYA. Sa pagbabayad ng utang ng Administrasyong
Aquino sa mga grupong nakapagluklok sa kanya at sa ipinagmamalaki niyang “tuwid
na daan”, napa-hospital arrest si Gloria. Classic; ang itsura ni Gloria
Macapagal Arroyo habang suot-suot ang neck brace na sumusuporta sa
kanyang leeg. Payat na payat, walang make-up;
pumupustura ang itsurang dapat kaawaan at hindi dapat kabuwisitan. At matapos
ang anim na taong panunungkulan ni Noynoy at makahakot ng landslide victory si
Duterte sa kalabang si Mar Roxas; absuwelto si Gloria! Sa ngalan daw ng
sinasabing “Pambansang Paghihilom” vindicated si Arroyo! Ibinasura ng
hukuman ang kanyang mga kaso. Ngayon, ipinagpapatuloy niya ang panunungkulan
bilang kongresista sa Ika-2 Distrito ng Pampanga, kasalukuyang tumatayong Deputy
Speaker ng Mababang Kapulungan ng 17th Congress. At kamakailan
lamang ay nakalabas ng bansa papuntang Germany; mukhang nagpa-stem cell. Wala na rin ang kanyang neck brace, at
sa salita ng Dakilang National Artist na si Bien Lumbera “… mukhang
gumanda na siya!”
Sa ulat ng KARAPATAN
(2009), mula ng manungkulan si Arroyo noong 2001 hanggang 2009, halos 1,188 ang
naging biktima ng extrajudicial killings (EJK). 153 dito ay pawang mga
babae at 77 ang mga bata. 205, ang
biktima ng Enforced Disappearance (p.29). 31 dito ay mga babae at 4 dito ay mga
bata na sapilitang nawala at hindi na nakita. Isama na rin ang 57 biktima ng Ampatuan
Massacre noong Nobyembre 23, 2009 na ang karamihan sa mga pinatay ay halos
kawani ng media.
Nagpapakita ang
istatistikang ito kung gaano kabrutal ang pang-aabuso sa ating karapatang
pantao. Walang pinipili na kasarian o
edad ang biniktima ng militar sa panahong ito.
Sa paglalarawan ng Center for Human Rights ng Geneva:
Enforced and involuntary
disappearance (EID) is deemed as one of the cruelest of human rights violations.
It is “a doubly paralyzing form of suffering: for the victims, frequently
tortured and in constant fear for their lives, and for their family members,
ignorant of the fate of their loved ones, their emotions alternating between
hope and despair, wondering and waiting, sometimes for years, for news that may
never come. The victims are well aware that their families do not know what has
become of them and that the chances are slim that anyone will come to their aid.
(KARAPATAN, 2009, p. 34)
Sa lahat ng anyo ng
panunupil, ang Enforced and Involuntary Disappearance (EID) ang isa sa
pinakamasahol na paraan ng pang-aabuso sa karapatang pantao. Hindi lamang pisikal kundi sikolohikal na
pang-aabuso ang talab sa buhay ng mga biktima sa anyong ito ng panunupil. Sa taong nawala na laging tinotortyur at sa
pamilyang naghihintay kung ano ang kinasapitan ng kanilang mahal sa buhay;
bumabaklas sa katinuan ng pag-iisip ang walang katiyakang paghihintay.
Sa dinami-dami ng mga biktima ng pagkawala, isa na
siguro sa sinubaybayan at naging matunog sa media
ay ang kaso ni Jonas Burgos; anak ni Jose “Joe” Burgos Jr. at ni Editha Burgos.
Ayon sa mga saksi,
apat na lalake na nagpakilalang pulis ang bumitbit kay Jonas palabas habang
nanananghalian sa restawran ng isang mall sa Quezon City sa Commonwealth
Avenue. Pilit siyang isinakay sa isang Toyota Revo na ang plaka ay nagtuturo sa
isang military camp sa Norzagaray,
Bulacan at nagdadawit sa 56th Infantry Brigade ng Philippine Army (KARAPATAN,
2009, p. 36). Halos siyam (9) na taon na
ang nakakalipas mula nang siya ay mawala at hanggang ngayon nangangapa pa rin
ang kanyang pamilya kung saan siya matatagpuan.
Sa pagkawalang ito ni Jonas, kailanman ay hindi
tumigil ang kanyang ina na si Editha sa paghahanap sa kanyang anak. Mula sa
pakikipag-ugnayan sa iba pang pamilya at sa mga katulad din niyang ina na
patuloy na naghahanap sa kanilang mga nawawalang mahal sa buhay; tumatayo si
Editha Burgos bilang Chairperson ng Desaparecidos; Isang organisasyong naghahanap ng hustisya sa
mga tulad nilang nawawalan ng kaanak.
Ibang
klaseng tortyur ang paghihintay. Sa simula ng pagkawala; panahon ang nagiging
kalaban ng taong naghihintay. Ang bawat segundo, minuto, oras, araw, buwan, taon at
dekada ng paghihintay ay mga asin na ibinububo sa sugat ng nagnanaknak na
pag-asa. Hindi tulad ng namatay na lang; may katawan na nakikita. Ngunit ang
mawalan at umasa sa pagbabakasakaling baka minsan ay sumulpot siya o bumalik ay
nakapagpapabakbak ng katinuan! Minsan, kailangan ang katawan, buhay man o patay
upang kalamayin ang labis-labis na paghahanap at pag-asa.
Sa panayam kay Lualhati Bautista, mababasa ang
koneksyon ng otor sa iba pang mga ina. Ang
simpatiya niya kay Edith Burgos tungkol sa pagkawala ng anak nito ay patunay ng
magkakasugpong na damdamin ng lahat ng mga ina tungkol sa kanilang mga anak.
Anak ang sumatutal ng pagkatao ng isang ina. Instinct sa ina na hanapin at
protektahan ang kanyang anak. Ina at tanging ina lamang ang makakaunawa sa
damdamin ng kapwa ina. Sabi ni Bautista:
Hindi
ko siya personal na kakilala pero dama ko ang sakit na nararamdaman ni Edith
Burgos sa pagkawala ng kanyang anak na si Jonas… ramdam ko ang ugnayan ko sa
iba pang mga inang nawalan ng mga anak sa nagdaan at kasalukuyang rehimen.
Kapag nababasa ko ang tungkol sa paghahanap ni Edith sa kanyang anak, gusto ko
siyang yakapin kahit na wala akong sasabihin dahil kahit ang mga manunulat ay
maaaring kapusin din ng mga salita. (Azarcon, 2008, Philippine
Daily Inquirer) (Sariling Salin).
Lumabas
ang panayam na ito noong Hunyo 15, 2008, halos isang taon at dalawang buwan
mula nang mawala si Jonas Burgos noong Abril 28, 2007. 2007 din, nang unang mailathala ang nobelang
Desaparesidos.
Hindi kaya instinct bilang ina, manunulat at
mananalaysay ang nagbunsod kay Bautista na isulat ang nobelang ito? Kinutuban na kaya si Bautista na ang
kaligirang pangkasaysayang umiiral sa panahong iyon ni Gloria Macapagal Arroyo
ay pag-uulit lamang ng madilim na mukha ng Batas Militar?
Sa
pagbusisi ni Bautista sa kanyang karanasan, sinabi niya:
“Bago ako
umalis; ang ilang tao sa kilusan ay nagmagandang loob na sila na ang bahala sa
pag-aalaga sa aking anak. Siyempre, tumanggi ako. Isipin mong iwanan ko ang aking anak sa mga
taong pinaghahanap at nagtatago? Paano kung may mangyari sa kanila? Saan at paano ko sisimulan ang paghahanap sa
aking anak? Naisip ko rin kung paanong
ginagamit ng militar ang mga anak laban sa kanilang magulang kapag sila ay
nahuli. “Magsalita ka, kung hindi ay
papatayin ko ang iyong anak habang pinapanood mo! Nangyari ito sa iba. Sa isang
banda, naisip ko bago pa man ang 1973, itinatanim ko na ang mga binhi para sa
nobelang ito.” (Azarcon, 2008) (sariling salin).
Kutob
man o instinct ang nagbunsod kay Bautista upang sulatin ang nobelang
Desaparesidos, matagal nang itinanim ni Lualhati ang binhi ng mga karanasang
umusbong sa panahon ng diktadura. Ang
politikal na kalagayang kinaharap ng sambayan sa panunungkulan ni Gloria
Macapagal Arroyo ang nag-reinforced at nagpanumbalik sa manunulat na si
Bautista upang balikan at sulating muli ang sinasabi ni Lumbera (2007) na
“kalunus-lunos at paglasog ng mga kabuktutang militar sa pamilya ng mga
rebolusyunaryong nasa kanayunan sa panahon ng diktadura” (p. 5).
Sipat-Feminista
Gaya ng nabanggit sa unahan, “If you want to know more
about men, study women.” Ngunit papaano at saan magsisimula ang pagkilala sa
mga kababaihan? Mahalagang maintindihan
at tanggapin ng sinumang mangangahas na mag-aaral sa akdang gawa ng mga babae
na sila ay may ibang sipat at pagtingin sa mundo. At ang ibang sipat at pagtinging ito sa mundo
ay nangangahulugan din ng ibang interpretasyon nila sa kanilang karanasan. Wika ni Sylvia M. Ventura:
“being female is significantly different from being
male, a fact that impinges on the way males and female relate to one another
and to society in general. It goes
without saying that the experiences of male and female writers affect their
respective world views and their writing” (1994, p.3).
Makikita
sa mga akda ng mga babaeng manunulat ang katangi-tanging diklap ng mga
karanasang matagal nang sinupil ng makauring lipunan. Isang malaking
pagkakamali na ipalagay na ang “makalalakeng karanasan” ay ang maituturing na unibersal
at karapat-dapat. Ang mga akdang likha
ng mga babae, anuman ang maging paksa nito ay isang malaking tipak ng mga
karanasang bumabangga at patuloy na babangga sa mga “ideyal” na nilikha ng
patriarchy.
May
sariling kahulugan ang babaeng manunulat sa mundo. May sarili silang paraan ng paglalatag at paghahain
ng mga karanasang iyan. At ang karanasang
iyan ay nakaugat “sa kung paano itinuturing ng babaeng manunulat ang kanyang
pagkababae, kung paano niya kinikilala ang kanyang pagkatao na mahalagang salik
ang kanyang pagkamanunulat ay resulta ng proseso ng gitgitan ng ideolohiya ng
patriarki at ng ideolohiyang feminista” (Yu-Torres, 2000, p. x)
At bakit isinusulat ng babae ang kanyang karanasan? Sapagkat, “kalayaan ang kritikal na konsepto
ng mga akda ng kababaihan…” (Reyes, 2003, p. xxx). Inilalatag at inihahain ng mga babaeng
manunulat ang kanilang karanasan sa pamamagitan ng kanilang mga akda. Boses ng paglaya ang likhang akda
ng mga babaeng manunulat.
Hindi
madali sa mga babaeng manunulat na abutin ang sinasabi nilang kalayaan. “Anuman
ang karapatan at pribilehiyong nakamit, ipinaglaban ito ng kababaihan…”
(Garcia, 2012, p. 183). Malubak ang
landas tungo sa sinasabing paglaya. At tulad din ng ibang sektor na nagnanais
makamit ang tunay na kalayaan at pagkakapantay-pantay; isang mabisang paraan
ang kolektibong pagkilos upang makuha ang anumang ginugusto.
Upang maging ganap ang tagumpay ng mga kababaihan at
ng kilusang feminismo, marapat lamang na maging kabalikat ang lalake sa anumang
laban na susuungin ng mga babae at ang mga babae naman ay marapat na maging
katuwang ng mga lalake sa kanilang mga ipinaglalaban. Hindi dapat isipin ng mga kababaihan na labas
o tiwalag ang mga lalake sa isyu ng feminismo.
Sabi nga ni Bautista (1991), sa kanyang Paunang Salita sa librong Bata,
Bata, Pa’no ka Ginawa, “inihahain ko ito sa mga kapwa ko babae sa mismong
dahilan na sila’y babae… at sa mga lalake, dahil sila ang pinakamasarap na
kasalo ng katawan, isip at puso naming mga babae.’
Ang Naratibo ng Desaparesidos
Katulad
ng iba pang nobela ni Lualhati, babae ang sentral na karakter ng nobelang
Desaparesidos. Si Ana, isang rebolusyonarya; kabilang sa mga “pulang
mandirigmang” lumublob sa armadong pakikibaka ay naipit sa trahedya na nilikha
ng Batas Militar.
Bunga
ng masalimuot na karanasan sa kilusan; (ang tumitinding militarisasyon at
pagpatay sa kanyang asawang si Nonong,), napilitan siyang ipagkatiwala ang anak
na si Malaya sa isang “kasama”, kay Karla. Sa kasawiang-palad, nawala si Karla at ang
kanyang anak…
Dalawampung
taon, matapos tuldukan ng unang EDSA ang rehimen ng diktador na si Marcos;
itinuloy ni Ana ang paghahanap sa nawawalang anak. Ngunit ang taong mag-uugnay sa
kanya upang matagpuan si Malaya ay patay na (si Jinky, asawa ni Karla).
Mahalagang
pansinin ang takbo ng naratibo ng akda sapagkat higit na mauunawa ang konsepto
ng desaparesidos o nawawala sa takbo ng istorya. Puna ni Bien Lumbera (2007):
“Sa unang bahagi ng nobela, ang katagang
“desaparesidos” ay tumutukoy sa nawawalang
anak. Sa ikalawang bahagi, nagbago ang
pakahulugan sa pamagat ng nobela pagkat itinuon ni Bautista ang banghay sa
paghahanap ng anak ng rebolusyonaryong magulang sa “nawawalang” ama at ina”
(p.vi).
Batid
ba ni Bautista ang ganitong pagbasa na inihahain ng kanyang nobela? Dalawang mukha ng pagkawala, dalawang mukha
ng paghahanap. Ang nawawalang anak na hinahanap ng ina at nawawalang magulang
na hinahanap ng anak.
Malinaw
ang paliwanag ni Bautista sa pakahulugan niya ng mga nawawala o
desaparesidos. Aniya:
Bautista also defines Desaparesidos in a different,
albeit just as traumatic, context in this novel. Not only does the term refer to friends and
kin who were deemed disappeared or
missing because of state or military forces, the word also speaks of the
disappearance of absence of activist parents in the lives of their children as
they elude arrest to pursue their revolutionary goals. (Azarcon, 2008)
Ang paliwanag na ito ni Bautista ay tumutumbok sa tungkulin
ng magulang na nakalublob sa mga gawaing iniatang sa kanya ng kilusan at ang responsibilidad
ng magulang sa pagpapalaki sa kanyang mga anak.
Kitang-kita ito sa naratibo ng nobela.
Si Lorena, ang anak ni Roy at Ana ay lumaki na nasanay na wala
sila! Kimkim ni Lory ang hinanakit sa
kanyang mga magulang. “Walang nagbago, Eman; naulila lang tayo. At nagkabalikan
man sila, hindi sila talaga nakauwi.
Dahil hindi na nila alam ang maging magulang… walang nalikha ang mga
magulang natin… kundi isang lipunan ng mga desaparesidos!” (Bautista, 2007, p. 197)
Ipinamumukha ni Bautista sa isip ng mambabasa ang
nandidilat na sumbat ng konsensya sa isang magulang na hindi nagampanan ng
buong-buong ang pagiging ama at ina dahil minahal nila ang kilusan at minahal
nila ang bayan. Isisisi ba sa bayan ang
kanilang naging mga kakulangan? Tanungin
natin si Bautista:
“Nang maliliit pa ang aking mga
anak, hindi ko sila maiwan kung kani-kanino… ngunit may alam akong mga ina sa
kilusan na ginagawa yon. Mas mabuti ba akong nanay kaysa sa kanila, o mas
mabuti silang anak ng bayan kaysa sa akin? Hindi ko ba mahal nang sapat ang
bayan ko para iwan ang mga anak ko, o hindi nila mahal nang sapat ang kanilang
mga anak? Wala akong sagot sa mga iyan” (Azarcon, 2008) (may ilang sariling salin).
Inihahambing ni Bautista
ang kanyang pagiging ina sa iba pang ina na nasa loob ng kilusan. Sino ang mas mabuting ina, ang inang
nagmamahal sa bayan o ang inang gumaganap sa tungkulin ng isang magulang? Kaya
bang isakripisyo ang pagmamahal sa mga anak para patunayan ang pagmamahal sa
bayan? Bagaman aminadong may mga ina sa
kilusan na iniiwan ang kanilang mga anak, mas pinili ni Bautista na hindi
sagutin ang kanyang naging katanungan.
Wala nga ba siyang maisagot o hindi pa lubos nasusuyod ni Bautista ang
laot ng sensibilidad ng mga inang rebolusyonarya?
Si Ana… Rebolusyonaryong Ina!
Paano
ba sinusukat ang tagumpay ng isang manunulat?
Winika
ng Pambansang Alagad ng Sining na si Bien Lumbera (1991), “ang tagumpay ni
Bautista ay nasa pagkakalarawan sa isang babaeng nakatatak sa kanyang identidad
bilang indibidwal sa isang panahong ang lipunang kanyang kinapapalooban ay
dinadaluyong ng mga pagbabago.” (p. 3)
Sa
mga akda ni Lualhati Bautista lalo na ang mga nobelang Dekada ’70 at Bata,
Bata, Pa’no Ka Ginawa? natatangi ang pagtatampok sa dalawang pangunahing tauhan
na si Amanda Bartolome at Lea Bustamante. Parehas na asawa, kapwa mga ina at mga tunay
na babae. Gagap ni Bautista sa dalawang tauhang ito ang lutang na lutang na katangian
ng makababaeng pananaw.
Hindi
maipagkakailang feministang representasyon ng mga ina ang dalawang tauhang ito
ni Bautista. “Bukod
sa mga katangiang pagiging matatag, matapang, may sariling trabaho, ang
ikinaiiba ng dalawang tauhang ina ni Bautista ay ang kamalayan nilang mayroon silang pagkataong hindi nalulusaw at
hindi dapat payagang malusaw sa pag-iiba ng estado nila.” (Yu, 2006, p. 342)
Sa
salita mismo ni Bautista “Ang babae’y
nananatiling siya, kahit pa siya asawa na’t ina” (Bautista,
1988, p. 6). Anuman ang kanyang maging
estado; hindi kayang lusawin ng anuman o alinmang katayuan ang iwing katangiang
nagbubuo’t bumubuo sa kanyang pagkatao, at ito ay ang maging “ang babae”.
Si Amanda Bartolome, “isang tipikal
na inang maasikaso sa pamilya, mapagkalinga sa mga anak, maserbisyo sa asawa,
may talino at sensibilidad...” (Yu, 2006,
p. 342); ay babaeng hindi lamang nagpakulong at nagpatali sa kinamihasnang
tungkuling iniaatang sa mga babaeng asawa.
Nakisangkot din siya sa pagbabagong panlipunang umiiral sa kanyang
panahon. Naging bukas siya sa politikal na kamulatang kanyang nararanasan at
nasasaksihan sa pagpagpapalaki ng kanyang mga anak.
Si Lea Bustamante, “matingkad na
matingkad ang feministang paninindigan… sa paraan ng pagpapalaki niya sa mga
anak, sa paggigiit ng sariling pasiya at sa malinaw na pagkamalay sa sarili
niyang pagkatao.” (Yu, 2006, p. 343); ay
babaeng hindi basta-basta madidiktahan. Hindi kayang tapak-tapakan. Hindi
malamya ang paninindigan. Iginigilgil ang alam niyang tama para sa kapakanan ng
kanyang mga anak at bumabangga sa pader ng mga katwirang inihahatag ng mga
lalake.
Samakatuwid, si Amanda Bartolome at
Lea Bustamante “ay dalawang tauhang ina na karaniwan nang itinuturing na
pananagisag ng isang feminista sa Panitikang Filipino” (Yu, 2006, p. 342).
Nilikha ni Lualhati Bautista ang
representasyong ina at asawa sa karakter nina Amanda at Lea, at alam na alam ni
Bautista ang paglalarawan sa masalimuot na sensibilidad ng mga babaeng tauhang
ito. Balibaligtarin man si Bautista,
itaktak man o ibitin patiwarik; bihasa siya sa paghiwa ng matatalim at
matatalas na detalyadong paglalarawan sa malusog na karanasan ng pagiging asawa
at ina. Nagmamarka sa kaibuturan ng
pagkatao ng mambabasa ang mga tauhang babae sa kanyang mga likha.
Pag-amin ni Bautista, (1988) “Alam
ko ang maging asawa at alam ko rin ang maging ina; ano pa ang kaibhan?” (p.8).
May pagkakaiba nga ba ang pagiging asawa at ina? May pagkakaiba nga ba ang kanyang mga
karakter? Kung representasyon ng
feministang ina at asawa sina Amanda at Lea, anong uri ng representasyon ng ina
si Ana, na siyang sentral na karakter sa nobelang Desaparesidos?
Sabi ng isang feministang manunulat
na si Soledad Reyes (2003); “Hindi lamang ina o anak ang babae, siya ay isa
ring rebolusyonaryo; isang tagahasik ng mga bagong paniniwala tungkol sa
kanyang sarili at ang kaugnayan nila sa lipunan.” (p. xxix). Kung susundan ang pahayag na ito ni Reyes, may
malaki nga kayang kaibahan ang isang feministang ina o asawa sa isang babae o inang
nagsusulong ng isang rebolusyonaryong pakikibaka?
Ang dinadanas na kaapihan ng mga
kababaihan ay nakaugat sa historikal at panlipunang kalagayan. At magiging lubos lamang ang paglaya ng mga
babae kung tuwiran siyang makikisangkot sa pagbabago ng lipunan. At papaano ito magagawa ng mga
kakababaihan?
Sa isang sanaysay na may
titulong Ang Kababaihan sa Lipunang Pilipino (2012) malinaw na mababasa na:
“… magagawa lamang ito ng kababaihan kapag
sumanib sila sa pakikibaka ng buong sambayanan sa anyo ng pagsusulong ng
pambansa demokratikong rebolusyon… palalayain nito ang sambayanan mula sa mga
saligang suliranin ng bayan, at gayundin ang kababaihan. Ang mga pwersa’t istrukturang nang-aapi sa
sambayanan ang siya ring pangunahing pwersang nagmamantini at nagpapalaganap ng
pang-aapi ng kababaihan. Kaya’t
kailangan ang mahigpit na pakikipagkaisa sa buong sambayanan sa balangkas ng
pambansa demokratikong rebolusyon.”
Sa pahayag na ito, higit pa sa
representasyon ng isang feministang ina ang paglalarawan ni Bautista sa kanyang
tauhang si Ana. Si Ana, ay hindi lamang
ordinaryong ina o asawa, siya ay representasyon ng rebolusyonaryang ina, isang
babaeng yumakap sa prinsipyo ng armadong pakikibaka!
Kung ang magrebolusyon ang
pinakamataas na antas ng kamulatang maibabahagi ng feminismong pananaw; na kay
Ana na nga ang kaibig-ibig na katangian ng isang babaeng matapang… “nakikibaka
ito sa loob at lampas sa usapin ng pagkalinga sa mga anak at pamilya; nakikibaka’t
handang magbitbit ng armas” (Tolentino,
2012).
Ang ganitong klaseng
representasyon ni Bautista ng babaeng nakalubog sa armadong kilusan ay tila may
personal na talab sa kanyang pagtataya ng kanyang mga kahinaan at limitasyon
bilang nagtatangan ng prinsipyong feminista.
Sa panayan ni Luna Sicat-Cleto (2011) kay Bautista; “napansin ni Joey
Baquiran na tila may napaka-intimate na kaalaman si Bautista sa kilusan, sa mga
damdamin ng pulang mandirigma.” Reaksyon
ni Bautista… “Hindi naman ako nakulong no… ay, talent yun! At saka ito tumawa.” (p. 278).
Bagaman biro at nakakatawa;
distinct o katangi-tangi ang paglalarawang ito ni Bautista sa mga pulang
mandirigma. Para sa kanya; talent ito na
hindi napagkakalooban ang lahat. Sa kaso
ni Ana, hindi ordinaryo na bukod sa maging ina o asawa ay may talent pang
suungin ang pinakakomplikado, ngunit pinakaabanteng kamulatang magpapalaya sa
sambayanan – ang Pambansang Demokratikong Rebolusyon!
Pagtatapat ni Bautista:
“Napakaliit ng aking kamalayang politikal nang ako’y maikasal. Ngunit ang asawa ko ay isang aktibista. Hindi ko sinabing bahagi na ako ng
(makakaliwang kilusan) naging parte lamang ako ng aking asawa. Buhay n’ya ‘yon, hindi akin. Ngunit hindi ko kayang mamuhay ng tulad n’ya
na hindi maisasakripisyo ang sa akin.” (Azarcon, 2008) (sariling salin).
Sa ganitong pahayag, nag-iiwan ito
ng pahiwatig na isang napakalaking sakripisyo, hindi lamang sa kanya kundi sa
lahat ng mga inang nakapakat sa armadong pakikibaka. Kailangan ito ng matapang ngunit tapat na
paglilimi. Sa paraang ito’y mababalikan natin ang mga tanong na iniwan ni
Bautista; “mas mabuti ba akong nanay kaysa
sa kanila, o mas mabuti silang anak ng bayan kaysa sa akin? Hindi ko ba mahal
nang sapat ang bayan ko, o hindi nila mahal nang sapat ang kanilang mga anak? Siguro,
ay may maisasagot na tayo?
Sa
pagtalunton ni Lualhati Bautista sa bakas ng mga Rebolusyonaryong Ina; kalayaan
ang sentral na dahilan kung bakit nagsusulat ang mga babaeng tulad niya. Naging matagumpay siya sa paghahatag ng
pagiging babae na labas sa pagiging asawa at ina na patuloy na humahamon sa
makauring lipunan. Ngunit, kasabay ng
paghahanap ng babae ng kanyang kalayaan; tanggap ni Bautista na ang kalayaang
ito’y hindi hiwalay sa pagpapalaya sa bayan.
At ang “dating” ng nobelang Desaparesidos,
sa kanyang sentral na tauhang si Ana, ang kanyang ideological manifestation ng pagiging asawa, ina at higit sa lahat rebolusyonaryo…
ay lubusang yumakap sa katotohanang ang pinakamataas na antas ng pagpapalaya ay
nasa armadong pakikibaka! At ang maging
rebolusyonaryo; sa salita ng manunulat na si Bautista ay isang katangi-tanging “talent.”
Sanggunian:
Azarcon, Pennie D. C.
(2008, June 6). Her father’s daughter. Philippinie Daily Inquirer.
Hinango mula sa
http://showbizandstyle.inquirer.net/sim/sim/view/20080615-142756/Her-Fathers- Daughter
Bautista, Lualhati, (2007).
Desaparesidos. Mandaluyong City: Cacho Publishing House, Inc.
Bautista, Lualhati, (1988).
Bata, Bata, Pa’no Ka Ginawa? Mandaluyong City: Cacho Publishing House Inc.
Bautista, Lualhati, (1988).
Dekada ‘70. Mandaluyong City: Cacho Publishing House Inc.
Garcia, Fanny A., (2012). Surinaysay: Wika-Panitikan-Malikhaing Pagsulat-Feminismo- Midya. Quezon City: C & E Publishing,
Inc.
KARAPATAN. (2009) Oplan
Bantay Laya: Blueprint for Terror & Impunity. Diliman, Quezon City: KARAPATAN.
Lumbera, Bienvenido. ( 2000).
Paano Magbasa ng Panitikang Filipino Mga Babasahing Pangkolehiyo.
Diliman, Quezon City: U.P. Press
Reyes, Soledad S., (2003). Ang Silid na Mahiwaga:
Kalipunan ng mga Kuwento’t Tula ng
mga Babaeng Manunulat. Pasig City: Anvil Publishing.
Sicat-Cleto, Luna,
(2011). Pagluluwal ng buhay, panulat, pighati, laban: isang panayam kay Lualhati Bautista. Likhaan 5. Diliman,
Quezon City: UP Institute of Creative Writing.
Tolentino, Rolando.,
(2012, April 16). Filmikong stilo sa kritikal na naratibo ng kababaihan at rebolusyon. Pinoyweekly.
Hinango mula sa:
http://pinoyweekly.org/new/2012/04/filmikong-stilo-sa-kritikal-na-naratibo-ng- kababaihan-at-rebolusyon/
Torres-Yu, Rosario, (2005). Bayan at Lipunan: Ang Kritisismo ni
Bienvenido L. Lumbera. EspaƱa,
Manila: UST Publishing House
Torres-Yu, Rosario, (2006). Re-imahinasyon ng ina sa panitikan ng kababaihan: isang imbestigasyon sa ideolohiyang maternal sa
panitikan. Kilates: Panunuring Pampanitikan
ng Pilipinas. Diliman, Quezon City: UP Press.
Torres-Yu, Rosario, (2000). Sarilaysay: Tinig ng 20 Babae sa Sariling Danas
bilang Manunulat. Pasig City: Anvil Publishing House.
Ventura, Sylvia Mendez, (1994). Feminist Readings of Philippines Fiction. Diliman,
Quezon City: UP Press.
_____________. (2012, Enero 9). Ang Kababaihan sa Lipunang
Pilipino.
Hinango mula sa:
http://makibakast.wordpress.com/2012/01/09/ang-kababaihan-sa-lipunang- pilipino/